Nakalaya man si Angelo de la Cruz mula sa pagkakabihag ng mga terorista sa Iraq, ang paglaya naman ng ating sektor mula sa gapos ng kahirapan at pang-aapi ay hindi pa din matugunan ng administrasyong Arroyo.
AP photoPatuloy na ipinagkakait sa mga manggagawa ang tamang halaga ng sahod. Limos ang 20 pesos dagdag sa sahod na ibinigay ng National Capital Region-Regional Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-RTWP) kumpara sa hinihingi nating dagdag na 65 pesos. Mas malala, Emergency Cost of Living Allowance (ECOLA) ang dinagdagan at hindi ang “basic pay” na pinagbabatayan ng komputasyon ng overtime, 13th month pay, atbp.
Gayundin, patuloy na lumalala ang banta ng kawalan ng trabaho sa manggagawa. Sa kasalukuyan, nakaamba ang banta ng malawakang tanggalan ng trabaho sa mga ahensya ng gubyerno upang makabawas-gastos diumano sa pamahalaan.
Sa kanyang ipinagmamalaking 10-Point Agenda, ipinamamandila ni Pangulong Arroyo na bago matapos ang kanyang anim na taon ng panunungkulan ay makakalikha siya ng 10 milyong trabaho. Ngunit sa pag-aaral, tinatayang kakailanganing lumago ang ekonomiya ng 7 porsiyento kada taon upang makamit ang ambisyosong pangako na ito.
Ngunit paano lalaki ang ekonomiya kung patuloy na ipatutupad ng pamahalaan ang mga patakarang nagbubukas lamang sa ating bansa sa patuloy na daluyong ng globalisasyon? Kung patuloy ang liberalisasyon o ang pagbaha sa lokal na pamilihan ng mga dayuhang produkto na pumapatay sa ikinabubuhay ng milyon-milyong Pilipino? Kung patuloy lamang na mangungutang ang gubyerno para sa mga imprastrakturang kinukurakot lamang ang pondo pero mamamayan ang nagbabayad sa pamamagitan ng mga buwis?
Bunga ng mga patakarang nagreresulta lamang sa matinding kahirapan at kawalan ng trabaho dito sa Pilipinas, napipilitan ang mga Pilipino na makipagsapalaran sa ibang bansa at doon maghanap ng trabaho. Ang nangyari kay Angelo de la Cruz ay isang halimbawa lamang ng mga panganib na sinusuong ng ating mga kababayan sa ibang bansa. At hindi lingid sa atin na mas malupit o higit na kaawaawa ang sinapit ng iba pa nating mga kababayan bunga ng mga pagmamaltratong dinanas nila sa ibang bansa.
Ang pagpapalago ng ating lokal na ekonomiya kasabay ng pagkakaroon ng sapat, disente at permanenteng trabaho o “full employment” ang tutugon sa problema ng mga manggagawa. Ito ang programa na kailangang atupagin ng gobyerno at hindi ang patuloy na pagpapalabas o pag-eksport ng mga manggagawa sa ibang bansa. Hindi dapat inaasa ng gobyerno sa mga OFWs ang pag-unlad ng ating ekonomiya kundi sa mga kongkretong programa ng pagtalikod sa mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, atbp.
Sapat, disente, at permanenteng trabaho para sa lahat! Ipatupad!
Mabuhay ang manggagawa!
Mabuhay ang Unyonismo ng Masang Pilipino!
No comments:
Post a Comment
Your comment here: